BUKAS NA LIHAM SA ATING MGA KABABAYAN
Hunyo 05, 2006
Mga Kabalikat sa Likas-Yamang Pag-unlad ng Lawa ng Laguna Mga Mahal na Kababayan
Isang Makakalikasang Pagbati sa Inyong Lahat!
Ang Lawa ng Laguna ay isa sa mga pinakamahalagang likas-yaman na kaloob sa atin ng Maykapal. Ito ay “life-support system” sa mahigit na 13 milyong kababyan natin bilang pangisdaan, patubig sa mga palayan, pinanggagalingan ng elektrisidad, tubig-palamig sa mga makinaryang pampabrika, transportasyon at nabigasyon, turismo at libangan, at higit sa lahat, bilang pagkukunan ng tubig-inumin sa nalalapit na hinaharap.
Dahil sa ang Lawa ay nasa sentro ng industrialisasyon at urbanisasyon sa ating bansa, hight na kailangan ngayon ang pro-aktibo at sama-samang pagkilos. Kaya ang Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Lawa ng LAGUNA LAKE DEVELOPMENT AUTHORITY (LLDA) ay naglunsad ng mga nagbabago ngunit mabibisang pamamaraan, kilusan, programa at proyekto upang mangangalagaan ang mahalagang likas yamang ito. Ngunit, alam naming kung wala ang aktibong pakikilahok at suporta ng mga mamamayan, mapapasawala ang lahat ng mga ito.
Kaisa sa mga nasabing mga layunin at pagkilos ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na siyang nangangalaga gn ating pamayanan sa mga panganib at pinsala ng mga pagbaha, particular sa mga bahaing pook sa palibot ng Kalakhang Maynila na napapaloob sa Rehiyon ng Lawa ng Laguna. Bukod dito, ang maayos na pagtatapon ng mga basura sa matitinding hamon sa LLDA at MMDA sa pananatili ng kalidad ng ating kapaligiran.
Sa inyo, amingmga kababayan at kabalikat sa nasabing layunin, kami at ang buong Pangasiwaan ng LLDA at MMDA ay humihiling ng inyong pakikipagkaisa sa pangangalaga ng ating Lawa. Ating magagawa ito sa pamamagitan ng mga simpleng paraan gaya ng mga sumusunod:
1. Wastong pagtatapon ng mga basura, huwag sa mga ilog, kanal at higit sa lahat, huwag sa Lawa natin;
2. Pagtatanim ng mga puno; kung kailangan magputol ng puno sa mga gilid ng ilog at bakanteng lupa, humingi ng pahintulot sa mga nakakaalam na ahensiya;
3. Paglalagay ng tamang septic tank para sa ating palikuran at mga babuyan sa likod ng bahay.
Mumunti man at payak ang mga nasabing pamamaraan, malayo din ang mararatingnito upang mapangalagaan ang ating Lawa at kapaligiran nito alang-alang sa kinabukasan natin ang ng ating mga anak at mga susunod pang generasyon.
Sa ating mga Lokal na Pamahalaan, sa inyo kami ay nananawagan. Kalakip nito ang isang huwarang ordinansang panlokal na kung ating maipapasa at maipapatupad ay magiging isang pina-igting at masustansiyang ambag sa ikaaayos at ikagaganda ng ating Lawa.
Sa pagkakaisa at sama-samang pagtutulungan, nandito ang buhay ng ating Lawa ng Laguna. Dito rin nakasalalay ang ating buhay at pamumuhay, dahil ang Lawa ay ating buhay.
Lubos na gumagalang at nagpapasalamat.
| (Sgd) BAYANI F. FERNANDO | (Sgd) CASIMIRO “JUN” A. YNARES III, M.D. |
| Punong Opisyal na | Punong Opisyal na |
| Tagapagpaganap, MMDA | Tagapagpaganap, LLDA |
P.S. Oct. 19, 2006